[Produced by DJ Umph]
[Verse 1]
Si Berto ay kabataang kasama
Lumaking katu-katulong ng amang magsasaka
Sa pagpapabunga ng lupang ‘di kanila
Sa laki ng upa halos wala nang matira sa kita
Kaya matapos ang pangatlong bagyo
Matapos mamatay kanyang amang byudo
Pagka't panginoo'y walang sinasanto
Sa pagbubuwis, sya'y lumayas
Sya'y nagpasyang lumikas sa Maynila
Pag-aangat ng kabuhayan ang adhika
Handang makipagsapalaran sa syudad
Kung san umano mas may oportunidad
Kaya't isang tahimik na gabi ng Disyembre
Baon ay isang kabang bigas at bente
Sya'y nag-jeep, handa nang maglaboy
Dinukot nya ang bente, ibinayad kay Bhoy
[Verse 2]
Si Bhoy ay tsuper ng jeep
Nakikipasada lang kaya graveyard shift
Baon sa mataas na boundary at gasolina
Kapag walang mahiram na jeep wala syang kita
Kaya ngayong pagkagipit nya ay sumaklap
Pampakain pampaaral sa walong anak
Pambuhay sa pamilya, pangkotong sa parak
Kaysa raw magnakaw, sya'y bumatak
Sya'y namasada nang dalawang araw
Tuloy-tuloy, walang antok na dumalaw
Sinaid ang lakas ng katawan
Para lang masulit nahiram na sasakyan
Biglang umatake pagod nya sa byahe
Pagsakay ni Berto, agad umabante
Tinanggap ang bayad, paningin ay hazy
Tinitigan ang bente, isinukli kay Baby
[Verse 3]
Si Baby ay sales lady
High heels, low pay, eight hours daily
Kontraktwal, kada anim na buwan
Mangangaso na naman ng mapapasukan
Ngayon kabuwanan na ng kanyang kontrata
At ng kanyang pagdadalang-bata
Wala pa namang katuwang na asawa
Kaya't lumuluha syang pumara
Sya ay nagtapos ng IT
Pagkakaron ng akmang trabaho pala'y unlikely
Nabuntis nang wala sa plano
Kaya nagtiis sa ibang trabaho
Ngayon pauwi sa may eskinita
Sya'y naglalakad nang biglang hinila
Punyal sa leeg, bantang sasaksakin
Dinukot nya ang bente, isinuko kay Ben
[Verse 4]
Si Ben ay batang maralita
Tubong komunidad na takda nang magiba
Sa hirap ng buhay ‘di nakapag-aral
Sa murang edad sya ay nangalakal
Ngunit nang magkasakit batang kapatid
Ultimo pangkain ay ‘di na maitawid
Hindi patas ang buhay, kanyang nabatid
Kaya't sa patalim, sya'y kumapit
Sya ay nangholdap gabi-gabi
Mabilis ang pera at malaki-laki
Isinusugal ang buhay at kalayaan
Para lang sa kapatid na inaalagaan
Pagkakuha nya sa buntis ng bente
Sya'y tumakbo deretso sa palengke
Bumili ng bigas, humingi ng diskwento
Dinukot nya ang bente, ibinayad kay Berto